“Journey” ni Patricia MacLachlan: Suring Basa

ni Felipe Dimaculangan

Inilathala ng Yearling, at umani ng mga papuri mula sa iba’t ibang kilalang ngalang publikasyon ang “Journey” na sinulat ni Patricia MacLachlan. Kabilang sa mga ito ay ang School Library Journal, “[MacLachlan’s] skillful use of first-person narrative pulls readers into the center of Journey’s life and rounds out the other characters marvelously.”; at The New York Times Book Review, “The best books written for children are those seemingly simple stories that acknowledge the love and fear and pain that drive our lives… Journey is a lovely example of just this kind of emotionally charged story.” Bagaman isang paglalakbay sa unang pananaw, pumapatungkol ang nobela sa isang batang nagngangalang Journey na iniwan ng kaniyang ina, at patuloy niyang hinahanap-hanap ang pantighaw-uhaw sa pagmamahal at kalinga sa sarili.

Ginamit ang first person point-of-view sa kabuuan ng akda. Sinimulan ang kwento sa pagpapakilala sa pangunahing tauhang si Journey at ang pag-iwan ng ina sa kanila: sa kaniya at sa nakatatanda niyang kapatid na si Cat sa kanilang lolo at lola. Journey, ipinangalan ng ina nito na wari bang hiniling sa anak ang wala nitong kapaguran sa paglalakbay. Labing-isang taong gulang ang batang si Journey nang iwan siya ng ina at iminutawing siya ay babalik. Simula noon, pinapadalhan na lang ang magkapatid ng pera. Ito ang tangi niyang naaalalang kaganapan kasama ang ina, sa panahayanan ng sakahan, hila-hila ang maleta nito. “Hindi, Journey–” ani kaniyang lolo, “–Hindi na siya babalik pa.”

Panahon ng tag-init nang iwan si Journey ng ina. Lungkot at galit ang naramdaman niya, at kinonsumo ang bakasyon sa paghahanap ng tulong na makapagpapaliwanag kung bakit ito lumisan. Naghanap siya ng kasagutan sa mga larawan. Nagsuri sa family resemblances sa album ng kaniyang lola. Sa paghahanap ng masasayang panahon, sinubukan niya muling buuin ang mga piraso ng mga larawang pinilas-pilas ng kaniyang ina bago ito umalis. Naghanap din siya sa mga larawang kinuhanan ng kaniyang lolo habang sinusubukan nitong bigyan si Journey ng nakaraan, nakaraang kasama ang kaniyang pamilya–ama, ina, at si Cat sa halip na silang mga lolo at lola niya. Sa hakbang, natutunan ng batang lalaki na makita at mahanap na, para sa kaniya, ang kamera ay isang kahulugan ng paghahanap ng mga bagay na hindi nakita ng kaniyang mga mata, mga nakaligtaan niya sa kaniyang buhay–mga bagay tulad ng kasiguraduhan ng paglisan ng kaniyang ina at ng pagmamahal na nagbubuklod sa kanila.

Sa kabuuan, masasabi kong napakaganda ng kwento sapagkat binibigyang-tuon nito ang kahalagahan ng pagmamahal at kalinga ng isang ina sa paglaki ng bata. Ipinakita nito ang pangungulila ng anak dahil sa paglisan ng kaniyang ina. Bilang karagdagan, nagkaroon din ng mahalagang ganap ang potograpiya bilang midyum upang mapunan ang pangungulila ni Journey. Angkop ang tagpuang rural sa kwento at ang ginamit na iba’t ibang panahon tulad ng tag-init. Nararapat ang “Journey” ni Patricia MacLachlan para sa suri ng Publishers Weekly, “Readers of all ages will find that MacLachlan’s emotion-charged novel is far closer to being perfect than to being just good enough… a full and refreshing work.”