Ang Kasalukuyang Kalagayan ng Pilipinong Pagkakakilanlan

Sanaysay ni Felipe Dimaculangan

Higit isang siglo na ang nakalilipas nang matagumpay na nakamit ng Pilipinas ang matagal na panahong inaasam na kasarinlan. Nakangangatngat sa puso ang libong mga nangamatay at ang kailangan pang pagdanak ng dugo upang mapagwagian ang mithiing ipinaglaban. Wala na ngang dayuhang sumasakop sa bansa ngunit sa bubot ko pang isipan, nahihinuha nitong patuloy pa ring nagdurusa ang ating bayan. “Ang kolonyal na kaisipan at hindi mapag-isang wika’t pagkatao,” ito ang nakapanlulumong katotohanan na bumabalot sa ating pagkakakilanlan.

Mahal kong mga mambabasa, palagi nating ipinangangalandakan ang pagiging malaya natin ngayon ngunit kung bibigyang kilatis, gaano ba natin ito pinahahalagahan at ang hapis ng ating nakaraan?

Malinaw na tuwing buwan ng Agosto lang maugong at nangunguna ang ating maka-Pilipinong damdamin. Bilang isa sa mga sumasabak sa mga kumpetisyong pampaaralan, hindi ko maikakaila ang husay at angking talino ng mga kapwa kong manunulat. Karaniwan sa larangan ng pagsulat ang paggamit ng talinhaga at ng mabubulaklak na pananalita. Ito ang paraan upang mapahanga ang inampalang babasa ng katha. Pagkilala at parangal ang katumbas nito kapag makukuha ng sulatin ang loob ng hurado. Subalit sa tulad kong tipikal na mag-aaral din lang, nasisiyasat kong hanggang sa pagsuka na lang ng kani-kaniyang panulat ang paanyayang pagpapayabong ng ating pagkatao at ng Wikang Filipino.

Hindi aasahang sa lalim ng pananalita ng kanilang sanaysay, tula, o sa anumang kumpetisyon sa pagsulat, isa rin sila sa karaniwang kabataan ngayong “Taglish” ang wikang ginagamit sa pakikipagtalastasan. Mayroon namang ilan na pinaiiksi ang mga salita, at ginagamit ang malaki at maliit na titik sa maling pagkakataon tuwing magpapadala ng text message at magpopost sa social networking site.

Sa larangan naman ng bigkasan, mabuting halimbawa ang balagtasan. Isa ito sa mga yaman ng sarili nating panitikan. Kaabang-abang ang patimpalak na ito sapagkat talaga namang pinaghahandaan. Katunayan, may mga pagkakataon pa ngang nakakapanindig-balahibo ang labanan nito dahil sa husay ng mga makata. Idagdag pa ang napakagandang piyesa na puno ng mapanghamong linya ng mga nagsisipagtunggali.

Bagaman nakapagpapataas ng damdaming makabayan, babalik silang muli sa pagiging ordinaryong kabataang hirati lamang sa mapanlinlang at kahali-halinang impluwensiya ng mundo at teknolohiya. Paghubad ng magagarang baro’t saya, hanggang muwestra at pagbato ng makabuluhang taludtod na lamang ang mga paksang kanilang inilatag.

Ano ang nangyayari lakandiwa, lakambini, mga mambibigkas matapos kayong salubungin ng mga palakpak, matapos ninyong iharap ang inyong panig, matapos itong suriin at pagpasyahan? Iyon bang nakikipagsabayan o marahil nangunguna pa sa ingay na likha ng mga mag-aaral tuwing uwian na waring nakikipagbalagtasan pa rin?

Bukod sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, aminin man o hindi, malinaw na konklusyon din para sa maraming kabataang Pilipino ngayon na malawak na pinag-uusapan at teknolohiyang salig na mga produkto ni Uncle Sam ang higit nilang kinahuhumalingan sa halip na mga tradisyonal at produkto ng kalikasang likha ng lipi ni Juan.

Lumalapit na rin ang loob ng maraming kabataan sa wikang Ingles. Unti-unting napapalitan ang kanilang magandang impresyon sa sariling panitikang hitik sa kulay at mga aral sa buhay ng paimbabaw na kasanayan at mataas na pagtingin sa banyaga.

Sa musika na may malaking bahagi rin sa ating pagkakakilanlan, sinong mag-aakalang matapos ang ilang taong kasikatan ng Original Pilipino Music (OPM) sa kamay ng ating mga maniningning na mang-aawit, tila pinagwaswasan ito ng mga kantang Ingles at ng umiinit ngayong KPop Music?

Sinong hindi magdadalang-poot sa mga gayong kabuktutan?

Marapat siguro na itanong ito, nakikilala pa ba ninyo ang tunay na Pilipino? Sa makabagong panahon, lubha ang lagitik ng lason ng kolonyalismo sa isip ng bawat mamamayan.

Ang pagmamahal sa bayan? Marahil hindi nga nauunawaan ng karamihan. Palasak na ang mga linyang tulad ng “pagmamahal, pagpapayabong, at pagpapayaman sa Wikang Filipino at sa ating kalinangan.” Mga giliw kong kababayan, pakatandaan nating walang silbi ang anumang hikayat na sa saltik lang ng dila magaling.

Isang sipi mula sa nobelang El Filibusterismo ni Jose Rizal ang nagsasabing, “Nagpapadala kayo sa maiinam na pangungusap. Isang kahangalan ang pagpapatayo ng Akademya ng Wikang Kastila. Nabubulag kayo sa maningning na kapangyarihang namamayagpag. Marapat pa nga kayong magpakasasa sa kagalakan sapagkat hindi tulad sa ibang maraming bansa, pinagkakaitan kayo ng pagkakataong aralin ang kanilang kustomiya. Ito ang bayan mong sinilangan. Ito ang nagbigay sa iyo ng buhay, ng pagkatuto, at ng kasaganaan.” Sa katulad na paraan, huwag nating isipin kailanman na ang hustong pagpapatangay sa malakas na impluwensiya ng globalisasyon ang tunay nating pag-usbong. Bagkus na hilahin tayo nito paitaas, tiyak na hahaltakin tayo nito paputik.

Gapos pa tayo ngayon ng kahangalan. Ni hindi tayo makalaya sa kaalipinan sapagkat mismong tayo ang nagpapasiil dito. Huwag nating hayaang magmaliw ang ganap na sariling atin. May kakayahan tayong umunlad sa sarili nating pamamaraan. Pakaisipin na kung magpapatuloy ang kasalukuyang daloy ng ating pagkakakilanlan sa mga susunod na lahi sa atin, ang sumbat, “sino na nga ba tayo?” Ang ating kultura, tradisyon, wika, at mga produkto ang bumubuo sa tanikalang siyang nagbibigkis sa ating pagka-Pilipino!

Advertisements